Ang Kolonyal na Kasaysayan ng Kasarian

Akda ng MMPride
Salin ni Tao Aves
Dibuho ng MMPride

"Paano kung tayo ay tumigil sa pagsasabuhay ng mga kolonyal na kasanayan at pagkakakilanlan? Mananatili ba ang ating panlahing pagsesentro ng kasarian?"

— Sarah Hoagland1

Ang uri, lahi, kasarian, at sekswalidad ay kadalasang itinuturing na mga kategoryang hiwalay sa kani-kanilang konteksto, partikular sa mga diskurso ukol sa kapangyarihan at pang-aapi. Subalit, ang kasaysayan ng pagbabago ng mga kategoryang ito—mula sa pag-usbong ng kolonyalismong Europeo na nagsimula ng pandaigdigang modernisasyon—ang nagbibigay ng konteksto para sa mga kundisyon kung saan ang mga pangkasalukuyang hindi pagkakapantay-pantay base sa pagkatao ay inilikha at patuloy na nananatili. 

Pakay ng panimulang aklat na ito ang magbigay ng balangkas ng kasaysayan sa likod ng dominanteng paniniwala ukol sa binary gender (o ang pag-giit na dalawa lamang ang kasarian) gamit ang pagsusuri ng mga ideyang nabuo sa ilalim ng kolonyalismong kanluranin—partikular na sa kung paano naisasatupad at nagkakaugnay ang pagbubukod batay sa uri, lahi, sekswalidad, at kasarian.

Image: Cut-out collages split into two halves. In one, a medical illustration of a person with an ovary is placed with images of pink flowers, lipstick, and a broom. In the other, an image of a person with a penis is placed with a mountain, iron weights, and a red sedan.

Ang kasarian ay tumatagos sa bawat aspeto ng buhay. Sa ating pagpasok sa mga pampublikong banyo, pagpili ng mga produkto para sa kalinisan ng katawan, pagsuot ng damit, o pagsagot ng mga talatanungan, ipinapaalala sa karamihan sa atin na may wastong lugar, papel, at tamang gayak na iniuutos sa bawat kasarian. Sa katunayan, maraming aspeto ng modernong lipunan ang organisado batay sa mga partikular na paniniwalang nakapalibot sa kasarian at mga sagradong ideyang nagdidikta sa kasariang biyolohikal. Mula rito ang pagpapalagay na may pangangailangang gabayan ang lahat tungo sa kanilang mga tamang pang-kasariang papel, anuman ang kaakibat o porma ng pag-gabay na ito, dahil biyolohiya ang nagtatakda kung ano ang nararapat para sa isang tao.

Ating isa-isahin ang mga paniniwalang ito:

  1. Ang biyolohikal na kasarian ng tao ay dimorphic o nirerepresenta lamang ng dalawang magkaiba at magkasalungat na kategoryang nakabatay sa anatomiya ng pagpapa-anak, mga kromosoma, mga hormona, at mga katangian ng katawan. Base sa mga nabanggit na salik, ang tao ay pwede lamang maging babae o lalaki.
  2. Biyolohikal na kasarian ang nagtatakda ng mga katangiang tulad ng itsura, ugali, at kakayanan.
  3. Dahil ang kasarian ay nakatali sa anatomiya ng pagpapa-anak, ang nararapat na oryentasyong sekswal ng isang tao ay dapat para sa kasalungat niyang kasarian.
  4. Ang mga naitakdang ekspektasyon ang dapat na maging gabay sa mga tao tungo sa nararapat nilang mga papel sa lipunan.

Halimbawa, ang isang taong pinanganak nang may mga obaryo ay inaasahang kikilalanin ang mga pambabaeng pamantayan ng kagandahan, magpapakita ng mga pambabaeng pag-uugali (tulad ng “intwuisyong pambabae” at pagiging “mahinhin”), may interes sa pagiging ina, at nagkakagusto sa lalaki lamang. Dagdag rito, ang pagkalas sa ugaling pambabae o heterosekswalidad ay hindi natural, at dahil diyan ay itinuturing na imoral at nangangailangan ng wastong pangingialam, na kadalasa’y sa mga paraang marahas at sapilitan.

Sa kasalukuyan, maraming biyolohista ang sumasang-ayon na ang mga konserbatibong paniniwala na ito tungkol sa biyolohikal na kasarian ay walang makataong basehan. Ang kasarian ng tao ay hindi umiiral sa isang limitadong dikotomiya ng babae at lalaki lamang; sa halip ito ay mas akmang nailalarawan bilang umiiral sa isang ispektrum ng mga pangkasariang katangian.2 

Ganoon man, nananaig pa rin ang ideya ng binary gender. Dahil sa tampulang ibinibigay sa dimensyong biyolohikal ng kasarian, patuloy din ang tensyon sa pagitan ng Peminismo at aktibismong LGBT.

Para sa mga peministang iginigiit na ang pagiging “babae” ay itinutukoy lamang ng anatomiya, ito ay nagresulta sa pagpapalalim ng kapangyarihan ng mga konserbatibong paniniwala, at sa pagtataboy ng mga taong hindi umaayon sa saklaw ng biyolohikal na kahulugan ng “babae”, at tampok dito, halimbawa, ang mga intersex. Ang kanilang hinaing na ang mga walang obaryo, hindi rineregla, hindi nagdadalang tao, at iba pa ay hindi dapat tinatrato bilang babae ang siyang naghimok ng kolaborasyon sa pagitan ng mga babaeng naniniwala na sila ay peminista at sa mga institusyong patriyarkal na inaakala nilang patuloy nilang hinahamon.

Sa aktibismong LGBT, ang limitadong saklaw ng pulitika ng pagkakakilanlan ang nagkukubli sa mas malawak na sakop ng mga mapang-aping istruktura. Dahil ang pokus ay nananatili lamang sa pagtutol sa paniniwalang ang homosekwalidad at mga transgender ay dapat na itinutuwid, maraming napangingilakang pagkilos ang patuloy na naghahanap ng lunas mula sa pag-anib sa mismong mga institusyong nagpapalakas sa sistematikong pang-aapi. Halimbawa, ang pagbigay pokus sa pagsasabilang ng mga LGBT sa liderato ng mga korporasyon ay hahantong lamang sa kawalan ng tugon sa papel ng parehong mga korporasyon sa paglaganap ng hindi pagkakapantay-pantay sa larangang ekonomikal. Dagdag rito, ang patuloy na panawagang hayaang manilbihan sa kapulisan at militar ang mga LGBT ay siya ring nagreresulta sa kawalan ng tugon laban sa pangmalawakang dahas na inaabuso ng mga institusyong ito.

Dahil sa paghihiwalay ng mga isyung pangkasarian sa ibang mga isyu, nagiging suliranin ang paghamon sa mga istruktura ng kapangyarihan na nagpapalaganap ng sala-salabid na anyo ng pang-aapi sa mundo.

Isang paraan para unawain ang mga istrukturang ito ay ang pagbabakas ng mga kinauugatan ng mga kategorya ng pagkakakilanlan sa kasaysayan, ang pagkilala sa mga layuning nagdulot sa paglikha ng mga ito, at ang pagsusuri ng pagpapatuloy ng mga ideyang ito sa kasalukuyan. Sa konteksto ng kasarian, makikitang ito ay nag-uugat sa kolonyalismong Europeo, ipinayabong ng modernong retorika ng lahi, at hindi mahihiwalay sa pagpapalawak ng kapitalismo, na siyang patuloy na nagpapalaganap ng sistematikong pananaklop at pananamantala.

Sa pag-unawa ng mga koneksyong ito natin makikita ang mga paraan kung paano ang kasarian ay nakatali sa isang sistema na nagbibigay kapangyarihan sa isang puti, kanluranin, kapitalista, patriyarkal, at heterosekswal na sentro. Tulad ng binibigyang diin ng maraming pemenistang tumutugon sa mga isyu mula sa laylayan: upang ang mga kilusang para sa pangkasariang paglaya ay magtatagumpay, ang mga kontekstong ito ay dapat kilalanin at suriin.3 Ang hindi pagkilala sa mga ito ang siyang nagpapangalaga sa mga sistematikong kawalan ng katarungan kung saan dapat umusbong ang pakikibaka.

Image: A cut-out collage featuring a diagram of skulls, repeated cut-outs of Spanish soldiers, a cut-out painting of the Virgin Mary and praying bishops, and a portion of the world map featuring Asia and Africa.

Ang modernong pagpapakahulugan ng kasarian ay kadalasang itinuturo bilang isang nakapirming konseptong hindi nagbabago sa iba’t ibang kultura at kapanahunan. Subalit, kamakailan lamang lumaganap sa mundo ang ganitong perspektibo, na sumasailalim sa dalawang ideyang ginamit ng mga Europeo para sa kanilang pananakop: determinismong biyolohikal at ang layuning dalhin ang mga nasakop sa sibilisasyon.

Inihahayag ng determinismong biyolohikal na ang mga katangian tulad ng pag-uugali o katalinuhan ay may genetikong basehan, at ang katayuan ng tao sa kanyang buhay ay itinakda na ng mga salik na biyolohikal, tulad ng lahi at kasarian. Bagamat maiuugat ang paniniwalang ito sa sinaunang mga Griyego at mga banal na kasulatan ng mga Katoliko,4 ang paniniwala sa kataasan ng lahi ng mga puti at mga kalalakihan bilang natural, wasto, at moral na pamantayan ay isina-pormal ng mga batas at teoryang nilikha sa ilalim ng kolonyal na pagpapalawak ng Europa.

Itinatalaga ng mga mananalaysay sa ilang piling panitikan ang impluwensya sa manipulasyon ng agham upang mailapat ito sa mga sinaunang pagkiling. Sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, si Samuel Morton, isang kolektor ng mga bungo, ay nangatwirang ang pagkakaiba sa laki ng mga bungo ng limang magkakaibang lahing nasa koleksyon niya ay pruweba ng kalamangan ng katalinuhan ng mga puti. Sumangay pa ang pahayag na ito sa pagsaad na ang limang magkakaibang lahi ay magkakaibang species, at na ang diyos na mismo ang nagtakda na ang iba-ibang lahi ay hindi magkakapantay-pantay.5 Bagamat dumalisdis ang katanyagan ng mga ideya ni Morton, pamana niya ang pagiging tagapanguna sa diskriminasyon ng lahi sa larangan ng agham at siyensya.

Sa pagdaan ng ilang dekada, ang teorya ni Charles Darwin ng ebolusyon6 naman ang nagbigay inspirasyon sa mga kanluraning sosyolohista, tulad ng Amerikanong si Herbert Spencer, upang buuin ang ideolohiya ng “survival of the fittest (matira ang matibay),” na nakabatay sa ideya ng natural ang kompetisyon sa lipunan. Sa kalaunan, ito ay tinawag na Social Darwinism.7 Paniniwala ng mga Darwinista na nagbabago ang lipunan sa paglipas ng panahon, mula sa sinaunang mga tao tungo sa modernisasyon, kung saan ang mga lipunang itinuturing na primitibo ay mas mababa kumpara sa mga kanluraning sibilisasyon, na inakalang rurok ng ebolusyong panlipunan. Ginagamit din ang mga ideyang Darwinismo para igiit na ang mahihirap ay natural na mas mahina habang ang mayayaman naman ay natural na mas malakas, at ito ang nag-udyok sa mga pamahalaan na magtimpi sa pagbigay ayuda sa mga “mahihina” nitong mamamayan.8 Sa pagsuporta ng Social Darwinism sa mga kanluraning pag-unawa ng kataasan ng mga puti, umusbong mula rito ang mga panibagong sangay ng pag-aaral. Isa sa mga ito ang ‘eugenics,’ na ang panawagan ay ang sterilisasyon at eksterminasyon ng mga “‘di kanais-nais” na miyembro ng lipunan sa ngalan ng kaunlaran.9

Sa panahon ding ito lumaganap ang paggamit ng agham upang magbigay ebidensya batay sa kataasan at kahinaan ng mga kasarian. Habang iniugnay ang laki ng mga bungo, hormona, obaryo, at iba pang mga katangiang biyolohikal sa paniniwalang ang kababaihan ay natural na mas mahina,10 ikinatuwiran ng mga siyentipiko na kalikasan na mismo ang nagdikta na walang lugar ang babae sa partisipasyong ekonomikal at pulitikal.

Kolonyalismo ang dahilan kung bakit naging ganito ang naging panig ng agham sa pagbuo ng kaalaman at polisiya; ang pag-imbento ng mga mito para mabigyang katwiran ang panunupil. Kaakibat ang relihiyon at konserbatismo, isinalang ng Europa ang kanilang malawakang pananakop mula sa lente ng moralidad at tungkulin. Sa ganitong estilo nila isinabuhay ang kanilang layuning magsibilisa, sa pamamagitan ng paghatid ng ‘modernidad’ sa mga ‘barbaro’.

Inilalarawan ni Enrique Dussel, isang pilosopong Argentinian, ang hangarin ng Europa na sapilitang ihatid ang modernidad bilang “the justification of an irrational praxis of violence (katwiran ng irasyunal na paggamit ng dahas),” na sumusunod sa kinikilalang paniniwala na: una, ang kultura ng Europa ay higit na nakatataas; pangalawa, obligasyong moral ng mga Europeo ang paunlarin ang mga lipunan ng mga ‘barbaro’; pangatlo, nararapat ang paggamit ng karahasan sa harap ng oposisyon; at panghuli, ang mga biktima nito ay mga hindi maiwasang sakripisyo, at ang pagdurusa ay hindi maiiwasan, upang maisakatuparan ang mga misyong ito.11 Ayon sa makamundong pananaw ng mga Europeo, modernidad ang katapusan ng kasaysayan. Ibig sabihin, ang pagpapatuloy ng kahit anong hindi Europeo ay paatras na pag-unlad at nangangailangan ng kanilang pangingialam.

Para sa mga Europeo, ang naiibang mga paniniwala ukol sa kasarian ay sekswalidad ng ibang mga pangkat sa mundo ay pruweba ng kanilang superyoridad. Halimbawa, nailathala ng mga kanluraning intelektwal tulad ni Emile Durkheim ang parehong anatomiya at kawalan ng pagkakasari sa mga taga-Hawaii, Cuba, Samoa, at ang mga Iroquois bilang marka ng pagiging ‘primitibong’ lipunan, kumpara sa mga ‘matalinong’ lipunang Europeo kung saan ang mga kasarian ay malinaw na nakikita sa panlipunang papel at itsura.12

Isinaysay naman ng Amerikanong historyador na si Jennifer L. Morgan ang impluwensiya ng kasarian sa pagpapalaganap ng pangangalakal ng mga alipin patungong Europa . Saad niya na “European writers turned to black women as evidence of a cultural inferiority that ultimately became encoded as racial difference (Tinuring ng mga Europeong manunulat ang mga kababaihang Aprikano bilang ebidensya ng kultural na kababaan, na sa kalaunan ay itinala bilang kaibahang lahi).”13 Ikinumpara ng mga Europeo ang mga kababaihang Aprikano sa mga hayop, at tinuring na ‘hindi sapat na babae,’ dahil sa kanilang taglay na katangiang sekswal, at ito ang kumatig sa pangmalawakang pang-aalipin at “pagtuturo”. Sa katunayan, ang ideya na ang babae ay dapat na mas mababa sa lalaki ang nagpalakas sa pagpupunyagi ng kolonyalismo.

Ang mga motibasyong ito ay maaaring bakasin sa kasaysayan ng iba’t ibang kolonyal na pananakop ng mga Anglo-Europeo.

Para sa iba’t ibang katutubong Amerikano, ang pagsakop ng mga Europeo ay nagresulta sa pagbubura ng kanilang pagkakakilanlan sa kasarian. Ang two-spirit—isang terminong hirang ng ilang mga tribo bilang tugon sa mga taong taglay ang parehong diwa ng babae at lalaki14—ay reaksyon sa sapilitang ‘pagpapamulat’ at pagpapatay ng lahi.15 Ilang kawan ng iba’t ibang pagkakakilanlang pangkasarian, na sinauna nang tampok sa pamumuhay ng iba’t iba ring katutubong grupo ng Indonesia, ay pinangasiwaan din sa ilalim ng pamunuang Olandes sa pamamagitan ng pagtatalaga ng pagkamamamayang batay sa pagpaparami, na nagresulta rin sa pagtataboy ng mga kasarinlan at pagkilos na salungat dito.16 Sa India naman, ang hijra at khawaja sara—mga katauhang lihis sa kanluraning dikotomiya ng babae/lalaki—ay may malaking impluwensiya sa pulitikal at kultural na aspeto ng pamumuhay. Tulad ng karamihan sa ibang mga protektorado ng imperyong Briton, isinailaim ang mga ito sa mga polisiyang kolonyal na ginawang krimen ang sodomiya kasabay ng pagbubura ng iba pang naunang ideya tungkol sa kasarian at sekwalidad.17

Ipinapakita ng kasaysayan na ang kapangyarihan ay umaasa sa kombinasyon ng mga mitong ikinukunwari bilang mga pangunahing katotohanan, na laganap sa mga pag-aakalang umiikot sa lahi, kasarian, at moralidad, na hinulma bilang benepisyal sa kanluran. Dahil dito, ang pag-unawa sa mga istruktura ng kapangyarihan ay kinakailangan para sa pag-unawa ng kasarian.

Image: A collage of cut-outs featuring four images. A painting of two white men leering over a black woman drawn with enlarged breasts and hips. A painting of an Indian servant attending to a white mistress and her child. An image of three men in suits and haits, holding flags that read

Tinaguriang ‘kolonyal-modernong sistema ng kasarian’ ng Arhentinong pilosopong si Maria Lugones ang dominanteng ideya ukol sa kasarian.18 Sa pagkakaugnay ng modernong pagpapakahulugan ng kasarian sa mga ugat nito sa panlulupig ng Europa, iginigiit ni Lugones ang papel ng kolonyalismo sa pagsasaayos ng mga lipunan batay sa mga kanluraning ideya ng lahi, kasarian, at modernidad na patuloy na tinatanggap at isinasabuhay sa kasalukuyan.

Pinalalawak ng konseptong ito ang tinatawag ng Perubyanong sosyolohistang si Anibal Quijano na Coloniality of Power (Kolonyalidad ng Kapangyarihan), na tinutukoy ang pandaigdigang muling pag-aanyo ng kaalaman, kaayusan ng lipunan, at kapital na naaayon sa interes ng mga puting Europeong kolonisador.19 Kasabay ng pag-agaw ng lupa at pagkakakilanlan sa mga katutubong tribo o First Nations ng kontinenteng Amerikano, sapilitang ihinalili sa kanilang mga paniniwalang kultural at panlipunang kaayusan ang mga kanluraning kaalaman, tulad ng mga paniniwala sa biyolohikal na superyoridad ng mga puti. Sa pagbabanghay ng mga katawan at kaalaman bilang higit na mas mababa, hinimok ng mga Europeo ang pagtataboy ng mga katutubo sa kanilang sariling kultural na mana upang maka-asimila sa kulturang kanluranin. Ito naman ay nagbunga sa sistema ng pananamantala ng lakas para sa paggawa, kung saan ang mga nasakop ay natali sa pagkaalipin at pagkabusabos.

Giit ni Quijano na pinanghawakan ng kolonyalismo ang pagyari ng lahi para sa pagpapa-lehitimo ng Kanluraning mga ideya, istruktura ng lipunan, at yaman. Ang lahi ay dapat unawain bilang konseptong binuo para bigyang katuwiran ang ganid ng kanluran, gamit ang pagbuo ng isang mapagsamantalang puwersa ng paggawa.

Dagdag rin ni Lugones na tulad ng sa lahi, ang pagbigay diin ng kasarian sa lahat ng aspeto ng lipunan at naging mahalaga sa pagbura sa mga sinaunang kultura. Sabay sa pinanghawakan ng mga Europeo na ang pagkakaiba ng mga nakagisnan ng ibang lahi ay pruweba na nakabababa ang mga kulturang hindi Europeo, ang pagkakaiba ng paniniwala ukol sa kasarian ay sumuporta sa kanilang kolonyalismo. Ihinalintulad ang lahi sa mga ‘tama’ at ‘maling’ paraan ng pagpapahayag ng kasarian, na ilinarawan ni Lugones bilang pagkakapangkat sa panig ng ‘liwanag’ at ‘kadiliman’.20

  1. Ang ‘panig ng liwanag’ ay ang modernong sistema ng kasarian, o ang pagkakaunawa ng mga Europeo bilang wasto. Ito ay kinakatawan ng mga puting heterosekswal na lalaki at babae, na naniniwala na ang kasarian ay itinakda ng kanilang mga ari. Ang mga inaakalang biyolohikal na superyoridad kung gayon ay nasa mga puting lalaki at wala sa mga puting babae, dahil ang ‘pagkababae’ ay tanda ng panganganak, kadalisayan, at karupukan.
  2. Ang ‘panig ng dilim’ ay markado ng dahas, na sa paniniwala ng lahat ng hindi puting katauhan ay hindi natural. Itinuturing ng mga Europeo ang mga katutubong nakagisnan tulad ng kasarinlan ng kababaihan, iba’t ibang kasarian, homosekswalidad, at pagkakapantay-pantay ng ugnayan bilang ebidensya ng ‘primitibong’ lipunan na nararapat lamang na pakialaman at iwasto. Samakatuwid, ang mga bihag ay ibinatay sa kanilang biyolohikal na kakayanan sa pagpapaanak. Nagdulot ito ng bagong pagkakagisnan na ang mga katutubong lalaki ay mas nakatataas sa mga katutubong babae.

Alinsunod sa mga ito, idiniin ni Lugones ang mga dahilan kung bakit ang kasarian ay hindi maaaring limitahan lamang sa mga pagkakaibang biyolohikal, at kung bakit ang peminismo ay hindi maaaring paliitin lamang sa isang hamon laban sa panlipunang pagkakahati sa pagitan ng babae at lalaki.

Gayundin, kritikal ang kasarian sa pagpapanatili ng kapangyarihan sa loob ng hanay. Sa paghila sa mga teorya at makinarya nina Oyèrónkẹ́ Oyěwùmí and Paula Gunn Allen, idinetalye ni Lugones kung paanong ang kontrol sa wika kasama ang tulong ng mga kolonisadong kalalakihan ang nagpausbong sa pagpapalakas ng mga istrukturang kolonyal.

Gamit ang wika, ipinapakita ni Oyěwùmí na bago ang kolonisasyon ng mga Briton, ang kasarian ay hindi umiral bilang kategoryang panlipunan para sa mga Yorùbá ng Nigeria21 Walang mga salita na tumutukoy sa kasarian para sa mga magkakapatid, anak, o asawa, at “the body was not the basis of social or political roles, inclusions or exclusions, not the foundation of thought and identity (ang katawan ay hindi naging basihan para sa mga tungkuling panlipunan o pulitikal, paghamig o pagtaboy, at hindi naging pundasyon para sa kaisipan at kasarinlan).”22 Upang ipakilala ang kanluraning konsepto ng kasarian, nagpataw ng panlipunan at pulitikal na herarkiya ang mga Briton base sa lahi at kasarian. Bilang resulta, habang sinusupil ang mga Yorùbá, ang patryarko ay tinanggap ng kanilang mga kalalakihan, na nagresulta rin sa kasiguruhan ng pananatili ng mga herarkiyang kolonyal.

Sa pag-aaral ni Gunn Allen ng kolonisasyon ng Iroquois at Cherokee, ang kasarian ay naging parte ng negosasyon para sa maantala ang pagkakabura ng katutubong pamumuhay.23 Para mapaburan ng mga Kristiyanong nakikiramay sa kanilang kalagayan, nagsagawa ng konstitusyon ang mga kalalakihang Cherokee kung saan ang mga babae at ang mga itim ay ibinaba bilang mga ari-arian upang maging ‘sibilisado’ sa mata ng mga Briton. Iginiit ni Gunn Allen na habang nagbabago ang mga katutubong tribo mula sa pagkakapantay patungo sa patriyarkal na pamumuhay, “women became pawns in the struggle between white and Cherokee for possession of Cherokee lands (ang antas ng mga kababaihan ang naisaktripisyo upang hindi maisakamay ng mga puti ang mga Lupa ng Cherokee).”24

Sa ating pagtanaw ng kolonyal/modernong sistema ng kasarian, mauunawaan natin ang mga paraan kung paano nailakip sa mga kolonyal na istruktura ng kapangyarihan ang modernong pagpapakahulugan ng lahi at kasarian, kung paanong ang mga ideyang ito ay iginanyak ng motibasyong pulitikal at ekonomikal ng mga manunupil, at kung anong mga kasunduan ang nagpahintulot sa pagpapatagal ng mga ideyang ito.

Sa obra ni Lugones kanyang sinalaysay na ang kaalaman sa kung ano ang binura at kung paano ito binura ay naging tampok sa pag-intindi kung paano nananatili ang kapangyarihang kolonyal:

“Ang pag-unawa sa lugar ng kasarian sa mga lipunang bago ang kolonyalismo ay makabuluhan sa pag-unawa ng lawak at halaga ng sistemang pangkasarian sa pagsira sa ugnayan ng komunidad.”25

Para malaman kung paano ginamit ang kasarian para gawing lehitimo ang pananamantalang kolonyal, kailangan nating aralin ang halaga ng kasarian sa mga sinaunang lipunan, at ang mga natatanging stratehiya ng kolonisasyon sa pagbubura ng kasaysayan at kaalaman, na nagresulta sa malawakang pagmamalupit. Higit riyan, kailangan nating aralin ang mga paraan kung paano pinahintulutan ng kolaborasyon sa pagitan ng mga mananakop at kanilang nasakop na biniyayaan ng pribilehiyo ang mga mapanupil na sistemang pangkasarian na nananatiling tanyag sa kasalukuyan.

Image: A collage of cut-outs from several illustrations of Filipinos pre-Spanish colonialism, taken from the Boxer Codex, laid with Spanish era Filipinos from tipos del pais paintings. The pre-colonial

Isang hadlang sa pag-unawa ng sinaunang pagkakakilanlan ng Pilipino bago ang kolonisasyon ay dahil karamihan sa basehan na kaalaman ay nagmumula sa lenteng kanluranin. Tinatawag ang hadlang na ito bilang parchment curtain of official colonial documents (kurtinang pergamino ng mga opisyal na sulating kolonyal) ng historyador na si William Henry Scott. Subalit, ang ilang iskolar ay nakapagbuo ng pangkaraniwang imaheng pangkasarian, mula sa mga natatangi ngunit bahagyang magkaka-ugnay na lipunang namamalagi sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon. Laganap sa lahat ng antas ng lipunan ang iba’t ibang paraan kung paano pinamahalaan ng mga Espanyol at Amerikano ang kasarian at sekswalidad.

Sinesegundohan din ni Sr. Mary John Mananzan ang teorya na ang mga kultura ng arkipelago bago dumating ang mga mananakop ay sumunod sa mga egalitaryong istruktura ng lipunan.26 Halimbawa, ang pre-Hispanikong mujer indigena ay prominente sa mga grupong agrikultural at spiritwal, at ang kabusilakan o pagkabirhen naman ng babae ay hindi pinahalagahan hanggang sa pagdating ng Katolisismo. Sumunod na rito ang pagtanggal ng partisipasyon ng kababaihan sa edukasyon at pulitika.

Ipinupunto naman ni Filomeno V. Aguilar Jr. kung paano nakadagdag ang usaping paggawa o trabaho sa pagpapababa ng halaga ng gawain ng kababaihan, gamit ang sapilitang trabahong agrikultural sa ilalim ng okupasyong Espanyol.27 Bago dumating ang mga mananakop, ang pagtatanim ng palay ay pamanahon at nakatali sa makabuluhang mga ritwal imbis na isang aktibidad na buong taong isinasagawa. Ang pag-aani ay gawaing eksklusibo sa mga kababaihan lamang, dahil sa paniniwalang ang mga elemento ng palay ay may diwang babae rin,28 rat hindi isang desisyon na naka-angkla sa praktikalidad. Kasabay sa pananakop ng mga Espanyol ang pagdala nila ng araro, isang instrumentong nagpalawak ng kanilang kolonyalismo. Ang pagsasaka ng bigas mula noon ay naging buong taon, malawakan, at matrabahong gawain na kinailangan ang lakas paggawa ng kalalakihan. Sabay sa pag-angat ng Katolisismo at pagsasaka ng halaga sa lakas paggawa ng lalaki, ang halagang ritwalistiko naman ng pagbubungkal ng palay ay nabura.29

Iniuugnay ni J. Neil Garcia ang paghina ng “male-to-female gender-crossing” (o, ang kasalukuyang katumbas ng trans women) sa imposisyon ng mga kanluraning pamantayan ng kasarian sa ilalim ng kolonisasyong Espanyol30 Bagamat para sa ilang lipunan ay establisado na ang pangangahulugan ng pagiging babae o pagiging lalaki, hindi ito nakatali sa biyolohiya ng pag-aanak. Bukod dito, hindi rin ito ang nagdidikta ng antas ng kapangyarihan, na noon ay isang usaping pinagpapasyahan base sa edad o katandaan.31 Ang kababaihan naman ang inaatasan ng pamumunong spiritwal, isang posisyong may impluwensya. Pinagpapatotohanan ng mga babaylan, isang posisyong ginagampanan ng mga babae o mga lalaking may mga katangian ng babae, ang mga paraan kung paanong hindi binabatay sa biyolohiyang pag-aanak ang pagsasabuhay ng kasarian. Ang male-to-female gender-crossers—na tinawag ding bayoguin ng mga tribo sa Luzon at asog ng mga tribo sa Visayas—ay itinuring na mga babae sa parehong anyo at lugar sa lipunan, sa larangan man ng spiritwal na pamumuno o sa pagkakaroon ng lalaking kinakasama sa buhay32 Naobserbahan naman ni Stuart A. Schlegel sa mga Teduray na ang mga mentefuwaley ay mga taong pinili ang sarili nilang kasarian. Sa kanyang librong Wisdom from a Rainforest, ibinibigay niyang ang rason kung bakit kaswal at maligaya nilang hinahayaan ang kanilang mga sarili na pumili ng kasarian ay dahil ang pagiging lalaki ay walang taglay na kataasan ng estado kumpara sa pagiging babae. Ang pagiging lalaki ay walang karagdagang kapangyarihan na dapat ipagtanggol o ipagdamot.33

Habang ang kasarian at sekswalidad ay magkaibang usapin, ang regulasyon ng mga ito ay hindi maihihiwalay sa pagpapakahulugan ng lahi. Itinatala rin ni Garcia na para sa ilang lipunang bago ang mga Kastila, ang pagtatalik ay malayang gawi. Kolonyalismo ang nagpakilala ng pagpupulis ng sekswalidad na taliwas kanilang ideya ng kung ano ang normal, kung saan pinaghihiwalay ang mga Pilipino sa mga grupong “barbaro” at mga “marangal o maharlika”. Ang mga “katutubong maharlika” ay itinuring na banal at “hindi nakapipinsala.” Ang mga katutubong barbaro naman ay “mapanghimagsik,” nagsasabuhay ng mga “pag-uugaling pagano” tulad ng sodomiya (pagtatalik ng dalawang lalaki); poligamiya (pagkakaroon ng higit pa sa isang babaeng asawa); at paliandriya (pagkakaroon ng higit pa sa isang lalaking asawa).34 Ikinakawing ni Garcia ang sabayang pamumulis ng kultura at sekswal na kinaugalian sa mga stratehiyang kolonyal na ginamit para mag-asimila ng iba’t ibang tribo sa kontinenteng Amerika. Ang mga nagpakita ng iklinasyon sa pagtutol o sa pamunuang kolonyal ay nilalagay sa laylayan ng lipunanmarhinalisado, habang ang “mabubuting Indiyano” naman ay maunlad, isang paghahating nagtalaga ng mga “normal” at “lihis” na grupo sa mga sinaunang tribo o First Peoples. Mga kuro-kuro sa paggalang ang nag-alay ng pananalig sa naratibong kolonyal, na ang pananakop ay itinuring na isang kawanggawa sa halip na malawakang pagpapatay ng lahi.35

Sa ilalim ng pamunuang Amerikano, ang kombinasyon ng mga produktong kultural at mga pagbabago sa polisiya ang nagpatuloy na gawing kanluranin ang lipunan ng bansa, na siyang naghulma sa regulasyong ng Pilipinong sekswalidad sa mga unang yugto ng okupasyon.36 Talamak sa mga Amerikano ang propagandang biswal tungkol sa “tampalasan at babarong mga katutubo” para manindigan sa paniniwalang superyor ang mga puti. Sekswalidad ang naging paksa ng mga karikaturang pulitikal, kung saan ang imahe ng mga katutubo ay “mahirap pamahalaanan” at ang malaking sakripisyo ng mga Amerikano ang “pagsisibilisa” sa mga ito.37 Sa iba’t ibang porma ng aliwan, inilarawan ang mga Morong Pilipino bilang labis-labis ang sekswalidad at may malalim na pangangailangan ng panghihimasok ng mga Amerikano.38Pagsapit ng 1911, nagkaroon na ng mga regulasyong ginamit para parusahan ang mga homosekwal na kilos at aktibidad sa pamamagitan ng mga batas na nagpapataw ng “bagansya,” na ang layunin ay asintahin ang mahihirap.39

Mahalagang suriin kung ano ang naging papel ng mga kolonyal na stratehiyang pang-asimilisasyon sa internal na pagpapanatili ng mga kanluraning pagpapahalaga at paniniwala.

Halimbawa, sa mga huling yugto ng pananakop ng mga Espanyol, ang pangangampanya ng mga ilustrado para maging probinsya ng Espanya ang Pilipinas ay naging alingawngaw ng panlahing poot sa agham.40 Habang tinututulan ng mga ilustrado ang giit ng mga Espanyol na ang mga Pilipino ay likas na mas mababang lahi, may iba namang sumikap na ibahin ang mga Pilipinong nagmula sa mga ‘mas sopistikadong’ ninuno na Malay sa mga katutubong dinatnan ng mga Espanyol. Pahayag pa nila na ang mga katutubong ito na linabanan ang asimilisasyong Espanyol ay nagmula sa ibang higit na mas mababang lahi. Ito rin ang parehong mga ilustradong nagpaniwala sa herarkiya ng lahi, na sadyang binukod ang mga grupong taliwas kanluraning pamumuhay sa pagpapakahulugan ng pagiging indio, tulad ng mga Aeta.41

Ang mga paniniwalang ito ay itinawid din ng mga ilustrado hanggang sa pananakop ng U.S., na masigasig nilang katulong sa bagong rehimeng kolonyal. Sabay sa hindi pagtanggap ng U.S. sa pagkabansa ng Pilipinas, ihinamig din nito ang suporta ng karamihan sa mga Pilipinong kanluranin na ang pamumuhay para mapabilis ang kolonyal at ekonomikal na pagpapalawak, habang nagpapanatili ng imahe ng mapagkawanggawang pamumuno.42 Ang naging panibagong porma ng Pilipinas ay itinakda ng mga pagkakaiba sa pamumuno ng mga kanluraning elitistang taga-lungsod at ng mga marhinalisadong grupong moro at katutubo, na nagresulta sa pagpapatibay ng kapangyarihan at impluwensiya sa mga Pilipinong pabor sa asimilisasyong kanluranin.43 Sa pananakop ng mga Amerikano rin naging laganap ang paniniwalang sakit ang homosekswalidad, gamit ang apat ng dekadang kanluraning pamamahala, edukasyon, at mass media.44

Sa lupain ng U.S., panlahing poot at ang pagkabalisa ng mga puti sa paghahalong lahi ang walang pakundangang sumalubong sa mga Pilipinong studyante na nagmatrikula sa mga Amerikanong unibersidad sa ilalim ng Pensionado Act. Ito ang umudyok sa maraming pensyonado (na nagmula sa mayayamang Tagalog) na gumiit ng naratibo ng isang huwarang minorya na nagpalakas sa hanay ng kulay at kasarian.45 Para salungatin ang panlahing poot laban sa mga Pilipino, ipinagkanulo ng mga pensionado ang mga Amerikanong Itim at mga “barbarong katutubo.” Sa pagpapaiba ng imahe ng mga ‘disiplinadong’ Pilipino laban sa ideya ng mga “tampalasang sekswalidad” ng mga lalaking Itim,46 umangkla ang stratehiya ng mga pensionado sa pagpapalakas ng panlahing poot laban sa mga Itim. Sa parehong hanay, pinalaganap din ng mga lalaking Pilipino ang mga paniniwala tungkol sa”wastong pag-uugali ng babae” at heterosekswalidad47 para tanggapin ng mga institusyon bilang sibilisado. 

Ang pananakop ng U.S. man ay pormal na nagwakas noong 1946, umiiral pa rin ang mga epekto nito sa mga Pilipino sa kasalukuyan. Sa pagbalik-tanaw sa kasalukuyang imahe ng Pilipino, hayag ni Renato Constantino:

“Umusbong ang lipunang Pilipino sa ilang siglo ng kolonyal na pag-aalipin. Ganunman, tinatanaw natin ang mga sarili bilang malaya, hindi lamang sa naoobserbahang realidad ng ating pulitika, ekonomiya, at lipunan, kundi pari na rin sa panloob na realidad ng ating pag-iisip.”48

Ang pagpapatuloy ng kolonyalismo ay malinaw pa ring maoobserbahan sa patuloy na kultural at ekonomikal na pagkakatali ng Pilipinas sa kanluran, mula sa pormal na edukasyon na pabor sa mga paniniwala at ideyal ng kanluran,49 hanggang sa pagkakatali sa banyagang kapital,50 at ang patuloy na pagkalakal ng OFWs sa mga mas maunlad na parte ng mundo.51

Ang presensya naman ng modernong sistema ng kasarian ay nabubuhay sa mga institusyong itinayo ng kolonyalismo. Mula sa simbahang Katoliko, pormal na edukasyon, sistemang legal, hanggang sa pagiging tampok ng mga kanluraning produktong kultural sa ating pang-araw-araw na buhay, umaalingawngaw ang kolonyalismo sa mga paraan kung paano isinasaayos ayon sa dikotomiya ng kasarian at mag kaakibat nitong herarkiya ang ating mga espasyo, paniniwala, at produkto.

Sa pagbabakas ng kasaysayang kolonyal natin masisipat kung paano ginagamit ang kasarian para sa pagpapatibay ng mga malawakang disenyo ng panunupil, gamit ang mga institusyong nagpapatupad ng sistemang kasarian at mga grupong nagnanais ng kolaborasyon kasama ang isang sistemang hinulma para sa dahas at kawalan ng katarungan. Nagiging malinaw na ang pagpaplaaya ng kasarian ay nangangailangan, hindi lang ng pag-unawa sa kung saan ganap ang mga kolaborasyong ito, kundi pati na rin ng isang pangako para sa dekolonisasyon.

Image: A collage featuring three cut-out images—a black and white portrait of Frantz Fanon, a cover of The Wretched of the Earth by Frantz Fanon, and a torn page with a typewritten quote:

Sa Metroimperial Intimacies, pinapaliwanag ni Victor Roman Mendoza ang mga usaping ito sa pagsasalaysay ng mga naratibong nakapalibot sa biyograpiya ni Jack Bee Garland.51 Inilarawan ni Mendoza si Jack bilang pangkasalukuyang katumbas ng isang “gay mixed race Chicano trans man (baklang mestisong trans man na Chicano).”52 Dahil sa kagustuhang makahanap ng makakasamang lalaki, ang buhay ni Jack bilang bagong binata ay nagdala sa kanya mula sa pamumuhay bilang isang menor na pampublikong personalidad sa California papunta sa paninilbihan sa militar at pagsapi sa digmaan ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano noong 1899. Ganunman, piniling suriin ng mga queer na istoriyograpo ang kwento ng buhay ni Jack bilang naratibo ng isang “tagapangunang mananaliksik na tinawid ang mga hangganan ng kasarian para habiin ang sariling buhay,”53 at sinadyang iwasan ang paksa ng kanyang pakikisangkot sa imperyal na panunupil.

Tampok sa pagtatala ni Mendoza ang katanungang para kanino ang kwento ni Jack: sa trans men na hinahanap ang kanilang radikal na kanunu-nunuan, o sa mga kampyon ng Amerikanong panghihimasok, oportunismo, at ere ng kahigitan? Posible ba na mahiwalay ang ideya ng “representasyon” sa mga konteksto nito na dumarating sa pangangatwiran nito ng pagnanakaw at dahas na ginamit sa pagpapanatili ng moderno, Eurosentriko, at kapitalistang mundo?

Makabuluhang unawain ang kasaysayan ng modernong kasarian kolonyal ng modernong kasarian kung susuriin kung paano nananaig ang mga kolonyal na paraan ng pananamantala gamit ang sistematikong pagpupulis ng kasarian. Dito mas nagiging klaro: lahat tayo ay na-apekto ng kolonyalismo. Una sa pagbibilanggo sa marami-rami saatin sa isang sistema kung saan tayo’s parehong taga-trabaho at taga-tustos. Pangalawa sa pag-aapekto ng kapitalistang sistema sa kabuhayan at tirahan ng mga naghihirap, pati ang kalikasan na nagsusustento sa mga pinaka-naaapi ng kapitalismo at kolonyalismo.

Dito din natin mas nakikita kung paano nagiging kasabwat ang tao sa sarili nitong kaapihan, sa kagustuhan nitong mayakap ng isang sistemang lumalago sa panunupil ng marami.

Buhat dito, nagiging malinaw na ang paglaya sa kolonisasyon ay kritikal sa pagbuo ng mga posibilidad para sa pagkakapantay-pantay. Ang tanong ngayon ay: ano ang kinakailangan para lumaya sa kolonisasyon? Sa Pilipinas, kung saan ang sistema ng kolonyalismo ay pinapatuloy ng mga korporasyon at mga pulitikong napakikinabangan ang dahas na dulot ng modernong mundo, ang paglaban sa kolonyalismo ay nangangailangan ng konkretong pagkilos. Tulad ng babala ni Frantz Fanon: “Let us admit, the settler knows perfectly well that no phraseology can be a substitute for reality (Ating aminin, alam ng dayuhan na hindi matutumbasan ng pagtatalumpati ang reyalidad).”54

Para sa mga napakikinabangan ang iilang mga pribilehyo ng modernong mundo, mahalagang pag-isipan:

  • Paano ka nakikilahok sa kasalukuyang sistema ng kolonyalismo?
  • Ano sa iyong mga pag-uugali at paniniwala ang tali sa dahas ng kolonyalismo? Paano hahamunin at babaguhin ang mga saloobin na ito?
  • Paano mo sisiguruhin ang pagsasaayos ng buhay at pagwakas ng pang-aapi sa mga taong nagdusa dahil sa pagkilos ng modernong mundo?
  • Paano mamumulat ang iyong komunidad at paano mo palalawakin ang pagtataguyod ng konkretong katapusan ng pananamantala na pinapatibay ng lipunang kolonyal?

Importentang unawain na ang mga konsiderasyon na ito ay simula lamang. Ang gawain ng pagdedekolonisa ay kumplikado. Kinakailangan nito ng matindi at patuloy na pagsisikap. Kinakailangan nito ng malawak na pagkakaisa, sama-samang aksyon, at pagiging handa sa pagtanggi sa mga pribilehyong tali sa pang-aapi. Sa konteksto ng paglaya ng kasarian, kinakailangan ito para makalaya sa paggapos, pandarahas, at pananamantala na dala ng pagpapanatili sa sistemang kolonyal.

1 Paninipi mula kay Sarah Hoagland in “Colonial Practices/Colonial Identities: All the Women are Still White” in George Yancy (ed.), The Center Must Not Hold (Lanham, Maryland: Lexington Books, 2010), 314.

2 Anne Fausto-Sterling, Myths of gender: Biological theories about women and men (1985) 2nd ed. (New York, NY: Basic Books, 1992).

3 Iba’t ibang peministang Aprikanong-Amerikano, peministang dekolonyal, at mga teyoristang queer ang naggiit ng pangangailangan ng kalayaang pangkasarian na hamigin ang mga konteksto ng iba’t ibang klase ng pang-aapi na madalas isinasantabi ng peminismong nagbibigay atensyon lamang sa namamayaning karanasan ng mga babaeng puti—mula sa teorya ng interseksyonalidad ni Kimberlé Crenshaw, hanggang sa queer at radikal na pulitika ni M. Jacqui Alexander, at kaalaman ni Maria Lugones tungo sa pagpapalaganap ng Peminismong Dekolonyal.

4 Mary Anne Cline Horowitz, “Aristotle and Woman.” Journal of the History of Biology, vol. 9, no. 2 (Springer, 1976), pp. 183–213; Mavis Campbell, “Aristotle and Black Slavery: A Study in Race Prejudice.” Race & Class, vol. 15, no. 3 (Thousand Oaks, CA: Sage Publications, 1974), 284–301; Cedric Robinson, “Slavery and the Platonic Origins of Anti-Democracy,” in Matthew Holden (ed.), The Changing Racial Regime (New York, NY: Routledge, 2017), 40–65.

5 Ann Fabian, The Skull Collectors: Race, Science and America’s Unburied Dead (Chicago, IL: University of Chicago Press, 2010); Stephen Jay Gould, The Mismeasure of Man (1981) 2nd ed. (New York: Norton, 1996); Paul Wolff Mitchell, “The fault in his seeds: Lost notes to the case of bias in Samuel George Morton’s cranial race science.” PLOS Biology. October 2018. Online: https://doi.org/10.1371/journal.pbio.2007008

6 Rutledge M. Dennis, “Social Darwinism, Scientific Racism, and the Metaphysics of Race,” The Journal of Negro Education, vol. 64 no. 3 (Washington, D.C.: Howard University Press, 1995), 243–252.

7 Ang “survival of the fittest (matira matibay)” ay maling interpretasyon ng natural selection (ebolusyong atas ng kalikasan) ni Herbert Spencer.

8 Richard Hofstadter, Social Darwinism in American thought (1955), rev. ed. (Boston, MA: Beacon Press, 2006).

9 Sa Hereditary Genius (1869), isinusuma ni Francis Galton ang pagpatay-lahing etos ng eugenics sa katanungang “Could not the undesirables be got rid of and the desirables multiplied (Hindi ba maaaring tanggalin ang mga hindi kanais-nais at paramihin ang mga kanais-nais)?

10 Eleanor M. Miller and Carrie Yang Costello,“The Limits of Biological Determinism.” American Sociological Review, vol. 66, no. 4 (American Sociological Association, 2001), 592–598.

11 Enrique Dussel, “Europe, Modernity, and Eurocentrism.” Nepantla: Views from the South, vol. 1 no. 3 (Duke University Press, 2000), 465-478. Online: http://biblioteca.clacso.edu.ar/ar/libros/dussel/artics/europe.pdf 

12 Emile Durkheim, The Division of Labor in Society (1893), translated by George Simpson, edited by Steven Lukes  (New York: Simon & Schuster, 2013), 81–94.

13 Jennifer L. Morgan, Laboring Women: Reproduction and Gender in New World Slavery, (Philadelphia: University of Pennsylvania Press, 2004), 49.

14 Gilley, B. J. Becoming Two-Spirit: Gay Identity and Social Acceptance in Indian Country, (Lincoln: University of Nebraska Press, 2006).

15 Miranda, D.A. Extermination of the Joyas: Gendercide in Spanish California. The GLQ: A Journal of Lesbian and Gay Studies, vol. 16, no. 1–2 (Durham: Duke University Press, 2010), 253–284; Rifkin, M. When did Indians Become Straight? Kinship, the History of Sexuality, and Native Sovereignty, (New York, NY: Oxford UP, 2011).

16 Blackwood, E. “Transnational Sexualities in One Place: Indonesian Readings.” Gender and Society, vol. 19 no. 2 (Thousand Oaks, CA: Sage Publications, 2005), 221–242.

17 Hussain, S. “State, gender and the life of colonial laws: the hijras/khwajasaras’ history of dispossession and their demand for dignity and izzat in Pakistan.” Postcolonial Studies, vol. 22 no.3 (Abingdon: Routledge, 2019), 1–20.

18 Maria Lugones, “Heterosexualism and the Colonial / Modern Gender System.” Hypatia, vol. 22, no. 1 (Wiley, Winter 2007), 186–209.

19 Anibal Quijano, “Coloniality of Power and Eurocentrism in Latin America.” Nepantla: Views from the South, vol, 1 no. 3 (Durham: Duke University Press, 2000),  533–579.

20 Lugones, “Heterosexualism and the Colonial / Modern Gender System,” 201–206.

21 Oyèrónkẹ́ Oyěwùmí, The invention of women: making an African sense of Western gender discourses. (Minneapolis: University of Minnesota Press, 1997), 80–120.

22 Oyěwùmí, The invention of women, ix.

23 Paula Gunn Allen, The Sacred Hoop: Recovering the Feminine in American Indian Traditions (1986), reissue ed.  (Boston, MA: Beacon Press, 1992), 40–52.

24 Gunn Allen, The Sacred Hoop, 46.

25 Lugones, “Heterosexualism and the Colonial / Modern Gender System,” 202.

26 Mary John Mananzan, “The Filipino woman: before and after the Spanish conquest of the Philippines,” Essays on Women. (Manila: Institute of Women’s Studies, St Scholastica’s College, 1989).

27 Filomeno V. Aguilar, Jr., “The passing of rice spirits” in Ooi Keat Gin and Hoang Anh Tuan (eds.), Early Modern Southeast Asia, 1350-1800 (New York, NY: Routledge, 2015),  250–264.

28 William Henry Scott, Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society (Quezon City, Manila: Ateneo de Manila University Press, 1994); in Aguilar, “The passing of rice spirits,” 254.

29 Tinutukoy ni Aguilar ang kanyang panulat Clash of Spirits: The History of Power and Sugar Planter Hegemony on a Visayan Island (1998) sa “The passing of rice spirits,” 254.

30 J. Neil Garcia, Philippine gay culture: Binabae to bakla, silahis to MSM, (1996) 2nd ed. (Quezon City, Manila: University of the Philippines Press, 2008), 151–197.

31 Jane Monnig Atkinson and Shelly Errington Power and Difference: Gender in Island Southeast Asia. (Stanford, CA: Stanford University Press, 1990); in Garcia, Philippine gay culture, 162.

32 Tinutukoy ni Garcia ang panulat ni Francisco Alcina na Historia de las islas e indios de Bisayas (1668) sa Philippine gay culture, 174.

33 Stuart A. Schlegel, Wisdom from a Rainforest. (Athens, Georgia: University of Georgia Press, 1998), 137–142.

34 Mula sa mga ulat ni Francisco Combé sa Historia de las Islas de Mindanao, Iolo, y sus adyacentes (1667) sa Philippine gay culture, 175–178.

35 Sa Philippine gay culture, tinutukoy ni Garcia ang partikular na panulat ni Jonathan Goldberg sa Sodometries (1992). Naobserbahan ni Paula Gunn Allen ang parehong dinamiko sa The Sacred Hoop at ni Mark Rifkin sa When did Indians become straight?

36 Victor Roman Mendoza, Metroimperial intimacies: Fantasy, racial-sexual governance, and the Philippines in U.S. imperialism, 1899-1913. (Quezon City, Manila: The University of the Philippines Press, 2017).

37 Mendoza, Metroimperial intimacies, 95–130.

38 Mendoza, Metroimperial intimacies, 131–165.

39 Mendoza, Metroimperial intimacies, 35–40.

40 Filomeno V. Aguilar, Jr., “Tracing Origins: “Ilustrado” Nationalism and the Racial Science of Migration Waves,” The Journal of Asian Studies, vol. 44, no. 3 (Ann Arbor, MI: Association for Asian Studies, 2007), 605–637.

41 Aguilar, “Tracing Origins,” 611–625.

42 Leia Castañeda Anastacio, The Foundations of the Modern Philippine State. (New York, NY: Cambridge University Press, 2016), 39–50.

43 Paul A. Kramer, The blood of government: Race, empire, the United States and the Philippines (Quezon City, Manila: Ateneo de Manila University Press, 2006), 159–228.

44 J. Neil Garcia, “Villa, Montano, Perez: Postcoloniality and Gay Liberation in the Philippines” in Fran Martin et al (eds.), AsiaPacifiQueer: Rethinking Genders and Sexualities (University of Illinois Press, 2008), 163–180.

45 Mendoza, Metroimperial intimacies, 167–202.

46 Mendoza, Metroimperial intimacies, 172–183.

47 Mendoza, Metroimperial intimacies, 183–202.

48 Rentato Constantino, The Filipinos in the Philippines (Quezon City: Malaya Books, 1966), ix.

49 Rentato Constantino, The Mis-education of the Filipino (1966) 5th reissue (Quezon City, Foundation for Nationalist Studies, 1999)

50 Sandra Nicolas “IMF-WB in the Philippines: Half a Century of Anti-Development,” Bulatlat, vol. 4 no. 11. April 2004. Online: https://www.bulatlat.com/news/4-11/4-11-imf.html; Eric Toussaint, “The World Bank and the Philippines” Committee for the Abolition of Illegitimate Debt. April 2020. Online: https://www.cadtm.org/The-World-Bank-and-the-Philippines

51 Louis Sullivan. From Female to Male: The Life of Jack Bee Garland (Boston, MA: Alyson Press, 1990); in Mendoza, Metroimperial Intimacies, 205–210.

52 Mendoza, Metroimperial Intimacies, 206.

53 Tinutukoy ni Mendoza itong maikling paglalarawan ng libro sa isang kopya ng From Female to Male ni Sullivan, na itinala kay Allan Bérubé.

54 Frantz Fanon, The Wretched of the Earth (1961), sa pagsasalin ni Constance Farrington (NY, New York: Grove Press, 1963), 45.

Ang materyal na ito ay nabuo dala ng suporta ng Voice Global.