Pagpasok ng taong 2020, binulaga tayong lahat ng pagkalat ng COVID-19. Mabilis ang naging pagpapakilala at pagrampa ng virus na ito sa buong daigdig. Bagamat kagyat ang naging pagtugon ng mga international health experts, tanging mga pag-iingat ang unang naging tugon sa pagharap sa virus. Dito nakilala ng sambayanan ang mga salitang social distancing.
Naging isa sa pangunahing pag-iwas sa pagkahawa ang social distancing, kasama ng iba pa gaya ng pamalagiang paghuhugas ng kamay, pagdi-disinfect ng mga kagamitan, at paggamit ng face mask. Sa teknikal na depinisyon, ang social distancing ay nangangahulugan ng isa hanggang dalawang metrong pagitan ng mga tao sa isa’t-isa, ito ay mula sa habilin ng mga eksperto upang maiwasan ang pagsasalin-salin ng virus mula sa isang tao patungo sa isa pa.
Marso 20, sa isang briefing ng WHO, nilinaw nito ang pagpapalit mula sa pagamit ng social distancing patungong physical distancing. Ito ay sa kadahilanang maaaring magbigay ng maling konotasyon ang social distancing sa mga tao, sabi mismo ng WHO, “we’re changing to say physical distance and that’s on purpose because we want people to still remain connected.”
Bagay na patototohanan ng mismong kasaysayan.
Sa maagang yugto ng 1950s, ang social distancing ay isinalarawan ng isang sociologist na si Karl Mannheim bilang isang paraan upang maipatupad ang kapangyarihan ng mga hirarkiya. Ayon pa sa kanya, ang pagpigil sa kalayaan sa pamamahayag ay isang porma ng pagpapatupad ng social distancing, o kaya naman ay ang pagdistansya ng mga matataas na opisyal o mga nasa mataas na uri sa lipunan sa mga komon o ordinaryong tao upang mapanatili ang kanilang katayuang panlipunan.
Ang depinisyong ito ng social distancing ay hindi bago sa komunidad ng LGBTQI. Sa mahabang karanasan, dumanas ang ating komunidad ng milya-milyang distansya mula sa sarili nating lipunan na tayo ay parang isang sakit na mabilis makahawa. Hindi natin malilimutan na sing-aga ng 1860s, kinilala ang homsekswalidad sa sirkulo ng agham bilang isang sakit sa utak. Sa isa pang pag-aaral sa panahon ng 1890s tinukoy naman itong isang sakit mula ng ipinanganak o congenital disease na kailangang gamutin sa halip na parusahan. Pagpasok ng ika-19 na siglo, maraming mga sexologist ang naghapag ng ideyang ang homosekswalidad ay isang sakit sa utak o kabaliwan, katunayan, isa sa mga mga teoryang tinanganan sa panahong ito ay na ang kabadingan ay resulta ng pag-iisip na ang isipan ng babae ay nakatago sa katawan ng lalaki.
Nagtuluy-tuloy ang distansyang ito sa ating komunidad hanggang umabot sa panahon ng World War I. Sa panahong ito pinalaganp ang pangangailangan ng isang psychiatric screening para sa milyong nagbabalak na pumasok sa gawaing militar at matukoy sa hanay ang mga may homosekswal na pag-uugali. Isang tiyak na karanasan nito ay ang pagsasama sa mga “taong may tendensyang homosekswal” sa hindi maaaring makapasok sa militar. Dahil wala namang siyentipikong basehan kung paano ito matutukoy, naglabas lamang sila ng guidelines, kasama rito ang paghihiwalay sa mga lalaking may feminine body characteristics, pambabae ang pananamit at gawi, at ang mga may maluluwag na tumbong.
Mahabang panahon ang lumipas, hindi nagbago ang kalagayan ng ating komunidad. Panahon ng 70s, naging matingkad ang usapin ng pagsupil sa mga LGBTQI people sa US, dahil rito, marami sa kanila ang nagtaguyod ng mga underground events upang patuloy na makapagsama-sama. Isa ang Ball Culture sa maraming mga naging pamamaraan ng mga LGBTQI upang makapagkita at ipagdiwang ang kanilang mga sarili. Dahil sa patuloy na pagdistansya at pandarahas sa ating komunidad, natuto ang mga nauna sa atin na ilayo mismo ang kanilang mga sarili mula sa lipunan, magkaroon ng sariling mga kagawian o subcultures at bumuo ng sariling mundong may pagkilala sa isa’t-isang bahagi ng ating komunidad.
Ang kasalukuyang panahon ay hindi malayo sa larawan ng nakaraan. Hanggang ngayon, sa ating lipunang ginagalawan, kulang kundi man walang pagkilala sa ating komunidad at sa maraming ambag natin sa lipunan. Dito lamang sa Pilipinas, dalawang dekada na simula ng unang ipaglaban ng mga naunang organisasyon ng mga LGBTQI ang pagkakaroon ng isang Anti-Discrimination Law na magpo-protekta sa atin mula sa diskriminasyon at karahasan. Ang kawalang pagkilala sa ating karapatan para sa legal na pag-iisang dibdib. At ang pagkilala sa ating SOGI.
Limampu’t-isang taon mula nang maganap ang Stonewall Riot na nagbunsod ng malakihang paglaban ng mga LGBTQI people para sa ating mga karapatan, malaking-malaki at marami pa tayong dapat gawin. Kitang-kita natin sa nagaganap na pagharap ng ating bansa sa COVID-19 kung gaano pa rin kaliit ang pagtingin ng lipunan sa ating komunidad, mula sa kainsu-insultong pinagawa sa mga LGBTQI na nahuli sa curfew hanggang sa hindi pagbibigay sa mga LGBTQI couples ng ayuda dahil hindi sila kinikilalang pamilya.
Lalo pang lalaki ang agwat ng distansya ng lipunan sa atin kung hindi natin ito mapipigilan.
Sa pagpasok natin sa golden years ng ating paglaban, tinatawag tayong muli upang lalong pahigpitin ang ating pagkakapit-bisig at pagtindig. Lalo higit ngayon, kinakailangan nating magkaisa at magkaroon ng iisang tinig. Kailangan nating buuin ang pinakamalawak, pinakamatibay, at pinakamakulay na pagkakaisa sa ating buong komunidad upang mapanghawakan ang ating lugar sa lipunan. Kasabay nito, bubuuin natin ang mahigpit na pakikipagkaisa at tulungan sa iba pang sektor ng lipunan upang labanan ang lahat ng hadlang sa pagtamasa nating lahat sa ating mga karapatan. Wala tayo palalagpasing pagkakataon at panahon hanggang hindi natin nalilikha ang isang lipunang tunay na kikilala sa atin at sa ating maraming ambag sa lipunan.
Iba-iba man ang kulay ng bahaghari, iisa ang ating destinasyong tatahakin – PAGLAYA. Pagkatapos ng
pandemyang ito, sama-sama nating tuluyang burahin sa bukabularyo ang social distancing. #
—
Si Jhay de Jesus ang kasalukuyang Spokesperson ng True Colors Coalition (TCC), isa rin siya sa mga founding member ng organisasyon. Siya rin ay kasalukuyang bahagi ng National Secretariat ng KILUSAN at Communications Committee member ng iDEFEND.
Ang True Colors Coalition (TCC) ay isang political organization ng mga LGBTQI sa ilalim ng KILUSAN. Nabuo ang organisasyon taong 2015, kasabay ng kampanya para sa katarungan kay Jennifer Laude, kasabay rin ito ng pagtulong sa paghawak sa kaso kasama ang abogado ng pamilya na si Atty. Virginia Lacsa-Suarez na siya ring Secretary General ng KILUSAN at Tagapangulo ng KAISA KA (organisasyon ng mga kababaihan sa ilalim ng KILUSAN). Sa kasalukuyan ay may mga module ang TCC sa Gender Sensitivity Awareness at Historical Study sa pag-iral ng LGBTQI people.
Dibuho ni Diigii Daguna.