Virtual March Platform
Show your creativity at makisama sa pag-martsa by making your 8-bit avatar and wander around familiar spaces!
Omnibus Statement
Patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo, kabilang na sa Pilipinas. Kasabay nito ay patuloy din ang marahas na danas ng LGBTQIA+ community –– diskriminasyon na lalong pinaiigting ng pandemiya, sa gitna ng patuloy na pag-iral ng macho-pasismo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Bagaman nito, hindi tayo magpapatinag. Ngayong 2021, mananatiling protesta ang PRIDE. Patuloy nating isusulong ang ating mga karapatan, higit lalo na ng mga LGBTQIA+ na Pilipino. Patuloy tayong kikilos kasabay ng patuloy nating pagpupugay sa kulay ng ating bahaghari: mga kulay na sumasalamin sa samu’t saring talento at tinig, ligaya at likha, mga buhay at pag-ibig na patuloy sa pagsulong.
Mula dito, ang ating panawagan ngayong taon: SULONG, VAKLASH! Sama-samang pag-aklas ang ating lunas!
Sulong, VAKLASH! Para sa kolektibong lakas na ating ibabahagi sa isa’t isa. Sama-sama tayo laban sa diskriminasyon at dahas. Sama-samang pagkilos ang ating magiging lunas.
Sulong, VAKLASH! Para sa pagbaklas ng sistemikong pandarahas at pagpapatahimik ng estado sa ating hanay. Para sa sama-samang pagpapanagot ng gobyerno, sa patuloy nitong paglabag sa karapatang pantao, sa gitna ng umiigting na pandemya.
Sulong, VAKLASH! Para sa dagliang pagpasa ng SOGIE Equality Bill! Para sa makataong solusyong medikal laban sa pandemya, upang pangalagaan ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipinong LGBTQIA+ at iba pang mga marhinalisadong komunidad.
Sa harap ng tuluy-tuloy na pang-aabuso at pagpapahirap, sama-sama tayong titindig. Sama-sama tayong susulong. Sama-sama tayong mag-aaklas at lalaban.
Sulong, VAKLASH! Sama-samang pag-aklas ang ating lunas!