Higit isang taon sa loob ng pinakamahabang lockdown sa mundo at walang-tigil pa rin ang mga panawagan natin: ayuda’t kabuhayan, tulong na medikal, at pagtataguyod at paggalang ng karapatang pantao. Ilang buwan na rin tayong saksi sa kapabayaan at paglalapastangan ng gobyerno sa mga ordinaryong mamamayan, at ng mga Pilipinong sandigan natin sa panahon ngayon: healthcare workers, mga manggagawa, mga magsasaka, at iba pa.
Sa mismong araw na ito noong 2020, pinuntirya ng rehimeng ito ang ating komunidad nang magmartsa tayo sa isang Pride mob sa Mendiola kasama ng iba’t-ibang organisasyon. Dalawampu sa mga kasama natin ang dinakip habang nananawagan sa agarang pag-pasa ng SOGIE Equality Bill at para kundenahin ang mabilisang pagpasa ng Anti-Terror Law. Halos kalahating taon rin ang iginugol para mapabasura ang mga kasong inihabla laban sa kanila; kalahating taon ng pagmamatyag sa kanila ng estadong lantaran sa pagdidiskrimina, seksismo, at gender-based violence.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging target ang ating komunidad––at alam nating hindi ito ang huli. Ang buhay natin mismo––ang ating Pride––ay isang kilos-protesta. Mananatiling nanganganib ang mga buhay natin hangga’t binibigo ng administrasyon na itaguyod at protektahan ang ating mga karapatan. Ang rehimeng ginawaran ng “absolute pardon” ang sundalong mamamatay-tao na pumaslang kay Jennifer Laude; sundalong serbidor ng imperyalismo. Ang rehimeng naging instrumento sa pagtaguyod ng kultura ng karahasan, kung saan biktima si Ebeng Mayor, Junjie Bangkiao, at iba pang mga miyembro ng ating komunidad––habang patuloy sa pananadyang ibinbin ang SOGIE Equality Bill. Rehimeng pumatay sa kapatid nating Lumad na si Lenie Rivas–na ni-redtag para lamang mabigyang-katwiran ang kanyang naranasang karahasan sa kamay ng militar.
Ginagamit ng mapang-abusong administrasyon ang lockdown: hindi lamang para maghakot ng kaban at mangurakot––ginagamit nila ito para patuloy na patahimikin ang kanilang mga kritiko, busalan ang malayang pamamahayag, at asintahin ang sinumang nangangahas na ibunyag ang kanilang paglalapastangan. Pananakot, pagpapakulong, at pagpatay ang naging tugon sa pandemiya, sa halip na tunay malasakit at makatotohanang tulong. ‘Di mabilang na tinig at buhay na ang ipinalibing nila sa pangaalipusta.
Sa pamunuang ito, madali ang magnakaw at pumatay. Wala sa bukabularyo nila ang managot sa kanilang kamalian at krimen. Sa pamunuang ito, ang ordinaryong mamamayan ay walang halaga.
Sa harap ng lahat ng ito, mahalagang tandaan na MARAMI TAYO. May kakayanan tayong magsama-sama at tumindig para sa isa’t isa; sumulong para sa mga kahanay nating lubos na nakararanas ng hirap at dahas sa ilalim ng liderato’t sistemang mapang-alipusta. Lalo’t lalo na sa panahon ngayon.
Kaya’t panahon na upang mag-organisa. Panahon nang magsama-sama.
Sulong, VAKLASH! Para sa kolektibong lakas na ating ibabahagi sa isa’t isa. Sulong, VAKLASH! Para sa pagbaklas ng sistemikong pandarahas at pagpapatahimik ng estado sa ating hanay. Sulong, VAKLASH! Para sa dagliang pagpasa ng SOGIE Equality Bill! Para sa makataong solusyong medikal laban sa pandemya.
Sa harap ng tuluy-tuloy na pang-aabuso at pagpapahirap, sama-sama tayong titindig. Sama-sama tayong susulong. Sama-sama tayong mag-aaklas at lalaban.
Sulong, VAKLASH! Sama-samang pag-aklas ang ating lunas!
Metro Manila Pride
26 June 2021
—
This statement is also released on our Twitter, Facebook, and Instagram.